
Itinuturing ng ASEAN Business Advisory Council (BAC) Philippines na pagkakataon ang pagho-host ng bansa sa 49th ASEAN Summit and Related Summits upang maipakita sa mga dayuhang mamumuhunan na karapat-dapat paglaanan ng puhunan ang Pilipinas.
Ayon kay ASEAN-BAC Philippines Chairperson Joey Concepcion, makatutulong ang matagumpay na pagdaraos ng summit upang higit na makilala ang bansa at maipakita ang mga oportunidad sa pamumuhunan, partikular sa manufacturing at electronics industries.
Aniya, mahalagang gamitin ang pagtitipon upang makabuo ng mga bagong ugnayan at pakikipagtulungan sa mga karatig-bansa na makapagpapalakas sa ekonomiya ng rehiyon.
Gaganapin ang ASEAN Summit mula Nobyembre 16 hanggang 18, habang nakatakda ang opening ceremony sa Nobyembre 15.
Inaasahang dadalo ang mga lider ng iba’t ibang bansa, kabilang si United States President Donald Trump sa Nobyembre 17. Kabilang din sa mga pangunahing pagtitipon ang 29th ASEAN Plus Three Summit at 21st East Asia Summit.










