
Inalala ni dating Senadora Leila de Lima ang kanyang tatlong taon ng kalayaan mula nang tuluyang lumaya noong Nobyembre 2023, kung saan ibinahagi niyang hanggang ngayon ay tila isang panaginip pa rin ang muling makamit ang malayang pamumuhay.
Sa kanyang emosyonal na paggunita, nagpaabot siya ng walang hanggang pasasalamat sa Panginoon at sa lahat ng mga kasamang hindi natinag at patuloy na nagtiwala sa kanyang laban sa gitna ng matinding pagsubok.
Matatandaang dumanas si De Lima ng halos pitong taon ng pagkakakulong kaugnay ng mga kinaharap niyang kontrobersyal na kaso sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Gayunpaman, matapos ibasura ang mga naturang akusasyon at pagkalooban ng piyansa, tuluyang nakamtan ng dating mambabatas ang kanyang matagal nang minimithing vindication o katarungan.
Sa kanyang muling pagbabalik-tanaw, iginiit niyang ang kanyang kalayaan ay hindi lamang pansariling tagumpay kundi patuloy na panawagan para sa kapakanan ng iba.
Binigyang-diin ni De Lima na hindi titigil ang kanyang paninindigan hangga’t hindi nakakamit ng iba pang mga bilanggong politikal ang inaasam nilang paglaya.










