Umaabot na sa antas ng isang maliit na bansa sa Europe ang carbon emissions na nalilikha ng malalaking data centers sa United States, ayon sa isang bagong pag-aaral.

Batay sa pag-aaral na inilathala sa Nature Sustainability, kumonsumo ng tinatayang 82 terawatt-hours ng kuryente ang 403 hyperscale data centers sa US mula Mayo 2024 hanggang Abril 2025, katumbas ng 1.8 porsiyento ng kabuuang konsumo ng kuryente sa bansa.

Tinatayang 25.7 milyong metriko tonelada naman ng carbon dioxide ang inilabas ng mga pasilidad, na katumbas ng taunang emissions ng lima hanggang anim na milyong sasakyang gumagamit ng gasolina.

Lumabas din sa pag-aaral na 54 porsiyento ng kuryenteng ginagamit ng mga data center ay nagmumula sa fossil fuels, habang 25 porsiyento ay mula sa renewable energy at 21 porsiyento naman sa nuclear power.

Ayon kay Harvard University professor Francesca Dominici, maaaring mas mataas pa ang aktuwal na epekto nito dahil hindi lahat ng data centers ay naisama sa pagsusuri.

-- ADVERTISEMENT --

Dahil dito, nanawagan ang mga mananaliksik ng mas mahigpit na pag-uulat at masusing pagpaplano sa pagpapalawak ng mga data center, lalo na sa patuloy na paglago ng artificial intelligence.

Bagama’t kinikilala ang potensiyal ng AI sa pagtugon sa mga suliraning panlipunan at pangkapaligiran, iginiit ni Dominici na kailangang tiyaking responsable at napapanatili ang pagtatayo at operasyon ng mga pasilidad na sumusuporta rito.