
Ibinunyag ni Senator Panfilo Lacson ang umano’y hakbang ng ilang miyembro ng House of Representatives na alisin ang probisyong nagbabawal sa mga politiko na makialam o magpakilala sa pamamahagi ng ayuda sa ilalim ng 2027 national budget.
Inilahad ito ni Lacson sa plenary deliberations ng Senado sa panukalang ₱253.34-bilyong pondo ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at mga attached agencies nito.
Tinanong ni Lacson si Senator Risa Hontiveros, sponsor ng panukalang budget, kung nasa ganap na kontrol ng DSWD ang pamamahagi ng Assistance to Individuals in Crisis Situation o AICS. Tiniyak naman ni Hontiveros, batay sa paliwanag ni DSWD Secretary Rex Gatchalian, na hawak ng ahensya ang pagpapasya sa programa.
Gayunman, sinabi ni Lacson na may ilang kongresista umanong nais panatilihin ang posibilidad na makialam ang mga politiko sa pamamahagi ng ayuda. Aniya, inaasahan ang bicameral conference committee kung saan tatalakayin ang probisyon laban sa tinatawag na “epal” sa mga programa ng pamahalaan.
Kinuwestiyon din ng senador ang probisyon sa bersyon ng Kamara na maglalaan ng pondo sa 2027 upang bayaran ang mga hindi pa nababayarang claims ng mga service provider mula sa guarantee letters na inilabas noong 2024.
Ayon kay Lacson, tila naglabas ng mga guarantee letter noong 2024 kahit wala nang sapat na pondong nakalaan para rito, kaya sa 2027 budget pa ito babayaran.
Ipinaliwanag naman ni Hontiveros na may mga service provider na huli nang naghain ng kanilang money claims at nagsumite ng mga kinakailangang dokumento, dahilan kaya hiniling lamang ang naturang special provision sa 2027 budget.









