Muling iginiit ni Vice President Sara Duterte na hindi siya magbibitiw sa puwesto sa kabila ng kinakaharap na impeachment trial sa Senado.

Sa isang press conference, sinabi ni Duterte na maituturing niyang pagtataksil sa 32.2 milyong Pilipinong bumoto sa kaniya ang pagbibitiw bilang bise presidente.

Aminado rin siyang naghahanda na siya at ang kaniyang defense team sa anumang posibleng kahihinatnan ng paglilitis na inaasahang malapit nang matapos.

Ayon sa bise presidente, kung mapapawalang-sala siya, magpapatuloy lamang ang mga programa at proyekto ng Office of the Vice President (OVP) sa 2027, depende sa magiging pondo ng tanggapan.

Subalit kung mapatunayang nagkasala, kabilang sa kaniyang pangunahing ikinababahala ang posibleng pagkawala ng trabaho ng mga kawani ng OVP, partikular ang nasa mga satellite office sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

-- ADVERTISEMENT --

Tinatayang nasa 300 pamilya umano ang maaaring maapektuhan dahil nakadepende sa kaniyang termino bilang bise presidente ang panunungkulan ng mga empleyadong ito.

Sinabi rin ni Duterte na maaaring kailanganing lisanin ng mga kawani ang punong tanggapan ng OVP sa Mandaluyong City sakaling magkaroon ng guilty verdict.

Gayunman, tiniyak niyang tatanggapin niya anuman ang maging hatol ng Senate impeachment court at haharapin ang mga kaakibat nitong epekto.