
Itinanggi ni dating Justice Secretary Vitaliano Aguirre II ang pagiging “co-perpetrators” o kasabwat kaugnay ng kasong crimes against humanity laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC).
Sa isang panayam tinawag ni Aguirre na nakakatawa ang mga paratang.
Binigyang-diin ng dating Department of Justice (DOJ) chief na hindi siya sangkot sa kontrobersyal na war on drugs ng administrasyon ni Duterte.
Aniya, nagsilbi lamang siyang abogado at kalaunan bilang Justice Secretary mula 2016 hanggang Abril 2018.
Labis niya ring tinanggi ang paratang na dapat siyang managot sa mga pagpatay na may kaugnayan sa anti-drug campaign, at ipinaliwanag na ang DOJ ay hindi nagpapatupad ng operasyon.
Samantala, mariin ring itinanggi ni Senator Christopher ”Bong” Go ang mga paratang habang si Senator Ronald “Bato” Dela Rosa, isa pang itinuring na co-perpetrator, ay matagal nang hindi lumalabas sa publiko at sa Senado mula noong Nobyembre dahil sa mga ulat tungkol sa posibleng ICC arrest warrant laban sa kanya.
Para sa Senado, sinabi ni Senate President Pro Tempore Ping Lacson na tatalakayin nila ang posibleng hakbang, kabilang ang tulong na maaring ibigay kina Dela Rosa at Go.
Dagdag pa ni Lacson na dapat bigyan ng pagkakataon ang mga senador na gamitin ang lahat ng legal na opsyon.










