Isinusulong ng lokal na pamahalaan ng Buguey, Cagayan ang paggamit ng alternatibong uling sa pamamagitan ng charcoal briquetting na mula sa agricultural waste gaya ng ipa ng palay at busal ng mais.

Ayon kay Mayor Licerio Antiporda, layunin ng programang ito na palakasin ang kabuhayan ng mga magsasaka at mangingisda, kasabay ng pangangalaga sa kalikasan sa pamamagitan ng pagbawas sa pagputol ng mga puno para sa tradisyunal na uling.

Katuwang ng lokal na pamahalaan ang Department of Science and Technology (DOST) Region 2 sa pagbibigay ng teknolohiya at pagsasanay, kabilang ang paggawa ng smoked fish at paggamit ng charcoal briquettes na ginamit na rin sa pagluto ng 140 litsong baboy sa katatapos na agri festival.

Sinabi ni Antiporda na napapanahon ang paggamit ng alternatibong uling lalo na sa gitna ng mataas na presyo ng LPG dulot ng tensyon sa Middle East.

Aniya, makatutulong din ito upang mabawasan ang kaingin at deforestation habang nagbibigay ng kabuhayan sa mga dating umaasa sa ilegal na pag-uuling.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, sinabi ni DOST Regional Director Virginia Bilgera na maaaring gamitin ang ibat ibang agricultural waste sa paggawa ng briquettes, na inaasahang magdudulot ng mas sustainable na paggamit ng likas-yaman at pagpapalakas ng lokal na ekonomiya.