Nasa pangangalaga na ng PNP Tuguegarao ang ama na pumatay sa kanyang 16 anyos na anak na babae sa Barangay Carig Norte, Tuguegarao City kamakalawa ng gabi.

Sinabi ni PMAJ Alexander Pranada, chief of police ng PNP Caranglan, Nueva Ecija na isinuko ng kapatid ang suspect na si Jude De Asis Ballad sa Brgy. Caranglan at ipinaalam naman ng mga barangay officials sa pulisya.

Ayon kay Pranada, una rito, tumawag ang PNP Tuguegarao sa PNP Caranglan para alamin kung pumunta sa lugar ng kanyang kapatid ang suspect.

Nakumpirma ng pulisya na sa nasabing lugar tumakas ang suspect matapos ang pananaksak-patay niya sa kanyang anak.

Sinabi ni Pranada, sa kanilang pagtatanong sa suspect, bago ang krimen, nagkaroon umano sila ng away sa telepono ng kanyang asawa na nasa Taiwan.

-- ADVERTISEMENT --

Kasunod nito ay umuwi ang suspect sa kanilang bahay at pinagbuntunan umano ng galit ang kanyang anak.

Nagkaroon umano ng pagtatalo ang mag-ama na humantong sa pananaksak sa tiyan ng anak.

Sinabi pa umano ng suspect na ang mukha ng kanyang asawa ang kanyang nakikita habang pinapatay ang kanyang anak dahil sa kanyang matinding galit.

Gayonman, hindi sinabi ng suspect kung ano ang pinag-awayan nila ng kanyang asawa.

Sinundo ng mga pulis ng Tuguegarao ang suspect mula sa Caranglan.

Samantala, sinabi ni Alfredo Abana, 68 anyos, lolo ng biktima na nakita niya na sinasakal ng kanyang manugang ang kanyang apo na nakahiga at duguan.

Hinila niya ang kanyang manugang at itinulak palayo dahil sa gusto pa umanong balikan ng suspect ang anak.

Sinabi ng lolo na habang dinadala sa ospital ang kanyang apo ay binawian na siya ng buhay sa daan.