Nakakulong na ang taong isinumbong ng isang batang babae kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na nang-aabuso at nanggigipit umano sa kanilang komunidad sa Camarines Sur.

Sinabi ni PNP chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr. na nagsagawa sila ng on-site verification sa Camarines Sur kasunod ng nag-viral na post tungkol sumbong ng 11-anyos na babae.

Ayon sa kanya, batay sa police records, naisampa ang kasong panghahalay laban sa nasabing indibidual noong 2023 at kasalukuyan ang paglilitis sa korte, kung saan nakakulong na ang akusado sa Tinangis Penal Farm.

Sa kaniyang sulat kay Marcos noong Marso 30, ibinunyag ng batang babae ang umano’y panghahalay na ginawa ng anak at aide ng isang barangay kagawad sa isang kasama nilang babae, pati na rin ang mga banta at panggigipit sa kanilang komunidad.

Humiling siya ng proteksyon at inihayag ang kaniyang hangarin na maipagpatuloy ang kaniyang pag-aaral nang ligtas.

-- ADVERTISEMENT --

Sa naging tugon ni Marcos sa sulat, inihayag nito na nagalit siya at halos maiyak nang mabasa ang kuwento ng bata.

Nangako ang pangulo na magpapadala ng pulis upang mapapanagot mga responsable.

Handa rin ang pangulo na suportahan ang mga biktima, kabilang ang pagtulong sa kanilang pag-aaral.

Samantala, kinumpirma ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na natunton na nila ang estudyante at iba pang menor de edad, at kasalukuyang nasa pangangalaga na ng mga social worker.

Sinabi ni Social Welfare Secretary Rex Gatchalian na magbibigay ang ahensya ng psycho-emotional counseling, tulong pinansyal sa mga pamilya, at suporta para sa legal na aksyon kaugnay ng karahasan laban sa mga menor de edad.