TUGUEGARAO CITY- Anim na miyembro ng isang pamilya at isang dayuhang mamamahayag ang nasagip ng mga otoridad matapos ma-stranded sa bayan ng Malibcong, Abra noong madaling araw ng Lunes, August 12.

Kinilala ang mga nasagip na sina Jeff Limpin 31, April Limpin 30, Liezel Limpin, 33, Clint Luna, 24, Calvin Limpin, 5, Olivia Limpin, 9 months old at dayuhang si Julienne Van De Yver, 32 anyos.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni P/Col. Job Russel Balaquit, provincial director ng Kalinga Police Provincial Office na nagsagawa ng search and rescue operation ang Balbalan-PNP matapos matanggap ang tawag mula sa mga biktima.

Bagamat hindi na sakop ng Kalinga ang lugar ay minabuti ng responding personnel na ipagpatuloy ang paghahanap kung saan nadatnan ng pulisya sa bulubunduking bahagi ng Barangay Gacab ang mga biktima na basang-basa sa ulan.

Nabatid na nahirapang makaahon at hindi maka-alis sa tubig baha ang sasakyan ng mga biktima na papunta sa lalawigan ng Ilocos via Kalinga-Abra road.

-- ADVERTISEMENT --