Naniniwala si dating Presidential Spokesperson Harry Roque na mayroong pilit na naninira sa kanya para maiugnay sa iligal na operasyon ng mga Philippine Offshore Gaming Operator o POGO partikular sa Porac at sa Bamban.
Matatandaang unang iniuugnay si Roque na nag-aabogado sa incorporator ng Lucky South 99 na si Katherine Cassandra Li Ong at kamakailan lang ay nadakip ang isang Cambodian at Chinese national na hinihinalang konektado sa POGO sa Bamban matapos ang isinagawang raid sa isang bahay sa Tuba, Benguet na sinasabing pagmamay-ari naman ni Roque.
Sa pagharap ni Roque sa imbestigasyon ng Senado, iginiit niyang ang bahay na ni-raid sa Benguet kung saan nahuli ang dalawang dayuhan ay rehistrado na pagmamay-ari ng isang korporasyon na mayroon din siyang interes.
Inamin niya na tumira siya sa bahay na iyon noong 2019 matapos umalis sa gobyerno subalit sa kasalukuyan ay wala na sa kanya ang possession o pagmamay-ari ng bahay na ito.
Paliwanag ni Roque, ngayong taon ay pinaupahan ng korporasyon ang bahay sa isang Chinese national na si Huan Yun na legal na nakatira sa bansa dahil mayroon itong alien certificate of registration at lumabas pa na holder siya ng 9G working visa.
Umapela si Roque na magpakita ng ebidensya na kung ang dayuhang lalaki ay talagang sangkot sa POGO sa Bamban dahil kung wala naman ay tiyak siyang mayroong matinding pagsisikap para i-link siya sa iligal na operasyon ng mga POGO na kanyang unang itinatanggi.
Samantala, binantaan naman ni Senator Sherwin Gatchalian si Atty. Harry Roque na ipapa-cite in contempt kapag inulit pa niya ang tila pambabastos nito kay Senate Committee on Women Chairperson Risa Hontiveros.
Sa gitna ng pagdinig ng komite ay nagkasagutan sina Hontiveros at Roque matapos ihayag ni Roque na nag-i-insinuate o tila may pahiwatig ang mga katanungan ni Hontiveros sa kaniya.
Nag-ugat ang sagutan ng dalawa nang gustong kumpirmahin ni Hontiveros kung naninindigan pa rin si Roque na hindi siya kailanman naging abogado ng mga Philippine offshore Gaming Operators (POGO) at kung nagawang kwestyunin ba ni Roque si Cassandra Li Ong, ang incorporator ng Lucky South 99, kung bakit isinama ang kaniyang pangalan sa dokumento bilang legal counsel ng Lucky South 99.
Dito ay inakusahan ni Roque si Hontiveros na may ipinalalabas sa kaniyang mga katanungan.
Dahil halos hindi na makapagsalita si Hontiveros, sumingit si Gatchalian at sinermunan si Roque na dapat nitong irespeto si Hontiveros at huwag sasabayan sa pagsasalita dahil ito ang chairperson ng komite.
Nagbabala pa si Gatchalian kay Roque na mapipilitan siyang ipa-cite in contempt ang dating presidential spokesperson kapag inulit pa niya ang pambabastos.