Nabastusan ang Regional Council on Disability Affairs- Region 2 sa scholarship prank ng isang netizen mula Isabela na ipinost sa kanyang social media account na ginawang katatawanan ang mga Persons with Disability (PWD).

Sa nasabing video, mapapanood na pinapasunod ng 23-anyos na babae ang kanyang lolo at lola na umarte at gayahin ang kilos at pananalita ng isang PWD habang pinagtatawanan naman niya at sinabi pang dating gumagamit ang mga ito ng iligal na droga na aniya ay upang kaawaan para scholarship na prank lang pala.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Amy Decena, coordinator ng RCDA-RO2 na labag ito sa batas na maituturing na pambabastos sa mga taong may kapansanan na hindi dapat ginagawang katuwaan kung kaya agad siyang umaksyon at nakipag-ugnayan sa lokal na pamahalaan laban sa babaeng nasa likod ng naturang video na residente ng Brgy Victoria, Mallig, Isabela.

Sa ipinatawag na dayalogo ng LGU, sinabi ni Decena na bagamat binura na ang video ay nalulungkot ito dahil hindi man lamang nakitaan ng pagsisisi ang inirereklamong babae sa kanyang ginawa habang humingi naman ng tawad ang kanyang lola sa kanilang ginawa at ikinatwiran na hindi umano niya alam na bawal ito.

Hirap din umano sila sa pagdidisiplina sa kanyang apo na isang solo parent at nasa kanilang pangangalaga dahil hiwalay ang mga magulang nito, kung saan ang ama niya ay isang Taiwanese.

-- ADVERTISEMENT --

Bagamat nakaka-awa ang sitwasyon ng inirereklamo, sinabi ni Decena na napagkasunduan na gagawa ang naturang babae ng public apology sa pamamagitan ng isang video na ia-upload nito sa social media.

Bahagi rin ng kanyang kaparusahan ay binigyan siya ng curfew at restrictions sa mga dati nitong ginagawa na susubaybayan ng mga barangay officials at Municipal Social Welfare and Development Office.

Sa oras na makitaan ng pagbabago ay nangako ang alkalde ng Mallig na tutulungan niya ang naturang babae sa pagbibigay ng trabaho.

Samantala, isinangguni rin ni Decena sa National Bureau of Investigation (NBI) ang naturang usapin kung saan pasok ito sa cyber bullying.

Una na rin naglabas ng opisyal na pahayag ang National Council on Disability Affairs bilang pagkondena sa naturang scholarship prank.

Batay sa Republic Act 9442 o ang Magna Carta for Persons With Disability, mahigpit na ipinagbabawal ang panggagaya, pangungutya o gawing katatawanan ang anumang uri ng kapansanan.

Maaaring makulong mula anim na buwan hanggang anim na taon, o pagmultahin mula P50,000 hanggang P200,000 ang sinumang mapatunayang lumabag sa batas na ito.

Kasabay nito ay muling ipinaalala ni Decena na maging sensitibo at makatao sa mga ginagawa at ipinopost sa social media.