Huli ang isang senior citizen dahil sa shoplifting habang patuloy na pinaghahanap ang apat nitong kasamahan na nakatakas gamit ang isang SUV sa bayan ng Abulug, Cagayan.

Kinilala ang nahuli na si “Aling Josie”, 65-anyos at residente ng Brgy Tugatog, Malabon City, Metro Manila.

Ayon kay PCAPT Junjun Torio ng PNP- Abulug, agad isinumbong ng isang business owner sa pulisya nang mapansin sa CCTV ang kahina-hinalang galaw ng apat na katao, maliban sa driver na pumasok sa katapat na convenience store.

Sa pagresponde ng pulisya, sinubukan nilang lapitan upang sitahin ang mga suspek na noon ay nakasakay na sa kanilang sasakyan subalit humarurot ito ng takbo dahilan upang mabangga nito ang side mirror ng isa pang SUV.

Naiwan naman ang kasamahan nilang si Aling Josie na hindi nakatakbo dahil sa tangay niyang isang mamahaling alak na nagkakahalaga ng P5K na inilagay sa kanyang singit.

-- ADVERTISEMENT --

Sa ngayon ay nakikipag-ugnayan na ang pulisya sa Land Transportation Office (LTO) para sa pagkakakilanlan ng registered owner ng SUV na ginamit na get-away vehicle ng mga suspek.

Bukod sa kasong theft, nahaharap din ang mga suspek ng kasong hit and run at reckless imprudence resulting in damage to property .