Pinayagan ng International Criminal Court si dating Pangulong Rodrigo Duterte na hindi dumalo sa unang status conference ng kanyang kaso na itinakda sa Mayo 27 sa The Hague, Netherlands.

Sa pitong pahinang kautusan na may petsang Mayo 22, sinabi ng ICC Trial Chamber III na inaprubahan nito ang kahilingan ng depensa na alisin si Duterte sa obligasyong personal na humarap sa nasabing pagdinig.

Ayon sa korte, nais umano ni Duterte na i-waive ang kanyang karapatang humarap at buong pagtitiwala niyang ipinauubaya sa kanyang legal team ang pagtalakay sa mga procedural matters na nasa agenda ng status conference.

Iginiit din ng depensa na ang obligasyon ng akusado na humarap ay para lamang sa mismong paglilitis at hindi sa mga status conference na itinuturing na administratibo ang katangian.

Gayunman, inatasan ng ICC ang depensa na magsumite bago Mayo 25 ng personal na nilagdaang waiver ni Duterte.

-- ADVERTISEMENT --

Kinikilala rin ng korte ang bagong legal team ni Duterte na pinamumunuan ni Peter Haynes kasama si Kate Gibson bilang associate counsel, matapos umatras ang naunang abogado ng dating pangulo.

Sa status conference, tatalakayin ang mga paghahanda para sa trial kabilang ang target na petsa ng paglilitis, bilang ng mga testigo, presentasyon ng ebidensya, witness protection, disclosure obligations, partisipasyon ng mga biktima, at iba pang usaping kailangang maresolba bago ang paglilitis.

Samantala, tinanggihan din ng ICC ang kahilingan ni Gilbert Andres na makadalo online sa pagdinig dahil sa limitasyon sa secure remote connection at dahil may ibang miyembro ng legal team na personal na dadalo.