
Binatikos ng grupong Bantay Bigas ang 2027 proposed national budget matapos na nanatiling maliit ang pondo para sa agrikultura habang patuloy na lumalaki ang inilalaan sa debt service at confidential funds.
Ayon kay Cathy Estavillo ng Bantay Bigas, umaabot sa P2.7 trillion o 37.5% ng national budget ang mapupunta sa pagbabayad ng utang habang malaking halaga rin ang inilaan sa confidential funds, samantalang halos wala ring pagbabago sa suporta para sa mga magsasaka.
Ipinunto ni Estavillo na mahigit P686 milyon na ang halaga ng nasirang pananim dahil sa mga nagdaang bagyo na nakaapekto sa mahigit 21,000 magsasaka.
Giit niya, hindi sapat ang ayuda lamang dahil kailangan ng long-term solutions upang matugunan ang krisis sa pagkain sa bansa.
Kabilang naman sa mga panawagan ng grupo ang P50,000 production subsidy at P15,000 compensation para sa bawat magsasakang nasalanta ng bagyo,
pagbaba ng presyo ng langis sa pamamagitan ng pagpapawalang-bisa sa excise tax at VAT, paglalaan ng 10% ng GDP para sa agrikultura at pagkakaroon ng irrigation sa lahat ng palayan at tunay na reporma sa lupa.










