Pinaiimbestigahan ni Akbayan Party-list Rep. Chel Diokno, sa kaukulang komite ng House of Representatives of the Philippines ang kabiguan ng Philippine National Police (PNP) na agarang maisilbi ang warrant of arrest sa ilang indibidwal na hinatulan ng korte sa mga krimeng kanilang ginawa.

Ito ay makaraang mabatid ni Diokno na ang suspek sa pamamaril sa isang condominium sa Parañaque kung saan dalawa ang nasawi ay noon pang 2023 may kinahaharap na warrant of arrest para sa kasong double homicide.

Ayon kay Diokno, isang malaking katanungan kung bakit hindi agad naaresto ang suspek at malaya pa itong naninirahan sa nabanggit na condominium na siya ring address na nakasaad sa kanyang warrant of arrest.

Giit ng mambabatas, kailangang mabusisi ang patakaran ng PNP sa pagpapatupad o pagsisilbi ng warrant of arrest.

Kung hindi aniya ito matutugunan, patuloy na makakalaya ang mga kriminal at makakaiwas sa pananagutan, habang ang kanilang mga biktima ay mapagkakaitan ng hustisya.

-- ADVERTISEMENT --