Patay ang isang lalaki matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang suspek sa bayan ng Solana, Cagayan, kaninang 8:50 ng umaga.

Kinilala ang biktima na si Joven Maglapay, 38-anyos ng Brgy. Centro, Tuao.

Ayon kay Police Capt. Jun Jun Balisi, hepe ng PNP-Solana, isang concerned citizen ang tumawag sa kanilang himpilan at ipinarating ang umano’y vehicular accident sa Brgy. Sampaguita, Solana.

Agad namang rumesponde ang kanilang hanay kung saan nadatnan ang biktima na nakahandusay at may tama ng baril sa iba’t-ibang parte ng katawan.

Sinabi ni Balisi na batay sa kanilang inisyal na imbestigasyon, posibleng papunta dito sa lungsod ng Tuguegarao ang biktima lulan ng kanyang motorsiklo nang pagbabarilin ng mga hindi pa nakikilalang suspek.

-- ADVERTISEMENT --

Nakuha sa pinangyarihan ng pamamaril ang ilang basyo ng bala ng calibre 45.

Nabatid na malayo sa kabahayan ang pinangyarihan ng pamamaril.

Sa ngayon, patuloy ang isinasagawang imbestigasyon kung ano ang motibo sa naturang pamamaril.