TUGUEGARAO CITY- Nagsasagawa na ng inventory ang pamunuan ng Cagayan State University sa Piat, Cagayan sa mga posibleng tinangay ng mga kawatan matapos na pasukin umano ang administrative building ng paaralan kaninang madaling araw.

Una rito, tumawag si Vicente Binasoy, CEO ng CSU Piat Campus sa PNP Piat para ipaalam na nakatali ang dalawang security guard sa loob ng nasabing gusali.

Sa pagtatanong ng mga pulis kina Pedro Malana at Dante Formoso, may pumasok umano na anim na kalalakihan na may takip ang kanilang mukha at tinutukan sila ng calibre .38 at .45 na baril at iginapos sila gamit ang tali at straw.

Dito na umano binuksan ng mga kawatan ang mga drawers ng accounting office, cashier office at store room.

-- ADVERTISEMENT --

Sinira din umano nila ang padlock ng CEO office.

Ayon sa PNP Piat, nagsasagawa na rin sila ng imbestigasyon sa nasabing insidente.