
Inanunsiyo ni Chinese Ambassador to the Philippines Jing Quan kasabay ng opisyal na paglulunsad ng Chinatown Revitalization Phase II sa Hotel Lucky Chinatown sa Binondo, Maynilana na magbubukas ang China ng direct flights sa pagitan ng Fujian at Cebu sa susunod na buwan.
Aniya, magbubukas ang unang byahe sa Marso 29.
Sinabi ni Quan na dahil dumarami rin ang mga Chinese tourists na bumabalik sa Maynila, napagkasunduan na magdagdag ng dalawa pang direct flights sa pagitan ng Manila at Fujian.
Ipinahayag naman ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang kanyang pagsuporta sa desisyon ng China.
Ayon sa pangulo, umaasa siyang ito ang magiging simula ng mas maraming interaksyon at palitan ng kultura at tao sa pagitan ng China at Pilipinas.
Sinabi naman ni Wilson Lee Flores, board member ng Federation of Filipino Chinese Chambers of Commerce and Industry, Inc. at chairman ng public information committee, ito ay magandang balita para sa turismo sa Pilipinas.
Maaaring manatili ang mga Chinese nationals sa Pilipinas nang hanggang 14 na araw nang walang visa kung sila ay bumibiyahe para sa turismo o negosyo.
Ang visa-free privilege ay valid lamang para sa pagpasok sa pamamagitan ng Ninoy Aquino International Airport sa Metro Manila at Mactan-Cebu International Airport sa Cebu.










