Sinermonan ng ilang senador si CIDG Director P/MGen. Nicolas Torre III sa pagdinig ng Senado kaugnay sa pag-aresto ng International Criminal Court (ICC) kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Kasama ang Philippine National Police (PNP) noong March 11 nang arestuhin si Duterte pagkalapag nito sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) mula Hong Kong.

Sa isang video ay narinig na sinabi ni Torre ang mga katagang “hihilain ko ‘yan,” na ikinadismaya ni Senator Jinggoy Estrada.

Inamin naman ni Torre na sinabi niya ito ngunit nilinaw na hindi ito para kay Duterte kundi kay Atty. Salvador Medialdea na kaniyang inaresto dahil sa “obstruction of justice”.

Hindi naman maiwasan ni Estrada na maalala ang kahalintulad na nangyari sa kanila noong 2001 nang arestuhin ang kaniyang amang si dating Pangulong Joseph Estrada kasama siya kung saan madaling araw din nang pasukin ng mga pulis ang kanilang kwarto at pilit inaresto para mailipat sa detention cell at sinabihan din sila ng mga pulis na kakaladkarin sila kapag hindi sumama.

-- ADVERTISEMENT --

Nagbabala si Estrada sa PNP na ang mga nabanggit ni Torre sa video ay maaaring magpahamak sa imahe ng institusyon at maaaring isipin ng publiko na walang respeto ang pulisya sa matatanda at kahit sa mga dating naging pangulo ng bansa.