Iginiit ng Department of Foreign Affairs (DFA) na ang binubuong Code of Conduct sa pinagtatalunang karagatan ng South China Sea ay hindi dapat magpahina o magbawas sa mga karapatan at interes ng mga bansang hindi direktang kasali sa negosasyon.

Sa isang pahayag nitong Miyerkules, sinabi ng Pilipinas na ang kasunduang pinag-uusapan ng mga bansa ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) at ng China ay dapat manatiling bukas sa paggalang sa karapatan ng iba pang mga estado.

Ang posisyon ng Maynila ay taliwas sa pananaw ng Beijing na dapat umiwas ang United States at mga kaalyado nito sa mga usapin sa naturang karagatan.

Nauna nang sinabi ni Wang Yi, foreign minister ng China, na nasa “crucial phase” na ang negosasyon para sa Code of Conduct. Hinimok din niya ang Pilipinas, na kasalukuyang chair ng ASEAN, na gampanan ang responsibilidad nito sa pagsusulong ng kapayapaan at katatagan sa rehiyon.

Ayon sa DFA, nananatiling nakatuon ang Pilipinas sa pagtatapos ng isang “epektibo, makabuluhan, at legally binding” na Code of Conduct sa loob ng taon, alinsunod sa napagkasunduang gabay ng mga bansang nakikipagnegosasyon.

-- ADVERTISEMENT --

Ang Code of Conduct ay inaasahang magtatakda ng mga patakaran upang maiwasan ang tensyon at insidente sa West Philippine Sea, bahagi ng South China Sea na inaangkin ng Pilipinas.