TUGUEGARAO CITY-Nakapagtala ng 22 bagong kaso ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang Region 2.
Batay sa datos na ibinahagi ng Department of Health (DOH)-R02, mula sa nasabing bilang 14 dito ay mula sa Isabela, apat sa Cagayan, tatlo sa Nueva Vizcaya at isa sa Santiago City.
Nasa 23 naman ang bagong naitalang nakarekober mula sa virus kung saan 17 ay mula sa Isabela, lima sa Cagayan at isa sa Nueva Vizcaya kung kaya’t umabot na sa 2,257 ang gumaling sa rehiyon.
Ayon sa DOH, umakyat na 2,699 ang kabuuang bilang ng mga naitalang kaso ng covid-19 sa rehiyon, pinakamaraming may naitala ang probinsya ng Isabela na may 1,297 sunod ang Cagayan na 664, Nueva Vizcaya na may 609 , Santiago City na 122, lima sa Quirino at dalawa sa Batanes.
Nasa 40 na rin ang nasawi sa rehiyon dahil sa virus matapos makapagtala ng isang bagong casualty ang Isabela.
Sa ngayon, nasa 402 ang active cases kung saan 67 percent ang asymptomatic, 32 percent ang mild at one percent severe.
Samantala, 16 na aktibong kaso ng virus ang kasalukuyang minomonitor sa Cagayan Valley Medical Center (CVMC) kung saan dalawa ang mula sa Kalinga at tig-pito ang galing sa Cagayan at Isabela.
Sa Cagayan, lima ang mula sa lungsod ng Tuguegarao at tig-isa sa Amulung at Tuao habang anim ang galing sa Ilagan City at isa sa San mariano sa Isabela at tig-isa sa Tinglayan at Rizal sa probinsya ng Kalinga.
Bukod dito, nasa 25 suspected cases din ang minomonitor sa naturang pagamutan, 16 dito ay mula sa Cagayan, pito sa Isabela at dalawa sa Apayao.