Ibinunyag ni Senator Ping Lacson ang umano’y pananakot at pangingikil ni contractor Curlee Discaya laban sa ilang miyembro ng Kamara de Representantes at mga opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) gamit ang isang kontrobersyal na “ledger.”

Ayon kay Lacson, tinatakot umano ni Discaya ang mga mambabatas na isasama ang kanilang mga pangalan sa naturang talaan kung hindi sila magbabayad ng utang.

Ang mga utang na ito ay nagmula umano sa mga advance o komisyong nakuha ng ilang pulitiko para sa mga proyektong hindi natuloy matapos masangkot sa isyu ng flood control.

Sinabi rin ng senador na inamin umano ni Discaya ang naturang modus nang komprontahin niya ito. Batay sa kanyang impormasyon, umaabot sa P30 milyon hanggang P40 milyon ang hinihinging bayad ng contractor sa bawat indibidwal kapalit ng hindi pagsama sa listahan.

Ipinaliwanag ni Lacson na kinukuha na agad ng ilang mambabatas ang kanilang bahagi kahit nasa National Expenditure Program pa lamang ang mga proyekto.

-- ADVERTISEMENT --

Dahil hindi natuloy ang mga ito, sinisingil ngayon ng contractor ang mga naibigay na paunang bayad.

Iginiit ng senador na dapat ituring na lamang na “charge to experience” ng mga sangkot ang nangyari dahil sumugal sila sa mga proyektong wala pang kasiguraduhan.