
Inaasahang muling tataas ang presyo ng produktong petrolyo sa susunod na linggo sa gitna ng patuloy na tensyon sa Middle East.
Ayon sa industry source, posibleng umakyat ng ₱16.50 hanggang ₱17.50 kada litro ang diesel, habang ₱7.50 hanggang ₱8.50 kada litro naman ang dagdag sa gasolina.
Nauna nang inanunsyo ng Department of Energy (DOE) ang price adjustments mula Marso 17 hanggang 23, kung saan umabot sa ₱20.40 hanggang ₱23.90 kada litro ang itinaas sa diesel, ₱12.90 hanggang ₱16.60 sa gasolina, at ₱6.90 hanggang ₱8.90 sa kerosene.
Batay sa datos ng DOE, ang umiiral na presyo ng petrolyo sa National Capital Region ay nasa ₱91.35 hanggang ₱114.90 kada litro para sa diesel, ₱86.40 hanggang ₱100.30 para sa gasolina, at ₱91.90 hanggang ₱143.79 para sa kerosene.
Sa kabila nito, tiniyak ng DOE na sapat ang suplay ng langis sa bansa, ngunit nagbabala laban sa hoarding.
Ayon kay Energy Secretary Sharon Garin, maaaring makaapekto sa suplay lalo na sa public utility vehicles kung magkakaroon ng panic buying o pagtatago ng langis.









