Nahaharap ngayon sa patung-patong na kaso ng rape ang isang lolo sa bayan ng Abulug matapos itong ireklamo ng panggagahasa sa menor-de-edad, kapalit ng limang piso.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Pol/Maj. Rodel Ballod, hepe ng PNP-Abulug, kasama ng kanyang ina ay nagsumbong ang 12-anyos na biktima sa pulisya at inilahad ang pang-aabusong ginawa sa kaniya ng 60-anyos na kapitbahay.

Hinila umano ng suspek ang dalagita habang ito’y nag-iigib sa kanyang bahay at dinala sa palikuran o CR kung saan isinagawa ang maitim na balak at pagkatapos ay binigyan ng P5.

Nabatid na hindi agad nakapagsumbong ang dalagita sa kaniyang ina matapos na bantaan ng suspek na papatayin.

Gayonman, matapos usisain ng ina dahil sa pera ay isinumbong ang paghahalay sa kanya.

-- ADVERTISEMENT --

Paglalahad pa ng biktima, pinagsamantalahan na rin siya ng suspek ng pitong beses noong 2017 at limang beses noong 2018.

Samantala, nauwi sa regular filing ang pagsasampa ng kaso laban sa suspek habang sasailalim sa councelling ng Child Protection Center ng Municipal Social Welfare and Development Office ang biktima.