Dalawang pamilya na binubuo ng siyam na indibidwal ang matagumpay na nailikas ng Philippine Coast Guard (PCG) matapos bahain ang kanilang lugar sa Barangay Tabac, Buguey, Cagayan dulot ng tuloy-tuloy na pag-ulan na dala ng Bagyong Kiyapo.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Coast Guard District Northeastern Luzon Assistant Public Information Officer Ensign Dionisio Mahilum Jr. na isinagawa ng kanilang mga tauhan ang preemptive evacuation upang matiyak ang kaligtasan ng mga residenteng naapektuhan ng pagtaas ng tubig.

Dinala ang mga ito sa Barangay Tabac Hall na nagsisilbing pansamantalang evacuation center.

Bukod sa rescue operation, tumulong din ang Coast Guard sa paghahatid at pagpreposition ng 500 family food packs at non-food items para sa mga pamilyang naapektuhan ng masamang panahon.

Ayon kay Mahilum, naka-preposition na rin ang mga tauhan ng Coast Guard Station Santa Ana sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) upang agad na makaresponde sakaling lumala ang sitwasyon, habang patuloy ang kanilang pagbabantay sa lagay ng panahon at kondisyon ng karagatan sa mga baybaying lugar ng Cagayan at Batanes.

-- ADVERTISEMENT --

Sa Calayan, kung saan nag-landfall ang sentro ng bagyo, sinabi ng opisyal na nananatiling malakas ang hangin at tuloy-tuloy ang pag-ulan. Gayunman, bahagya nang humupa ang taas ng alon. Patuloy ding tumutulong ang Coast Guard sa pag-secure ng mga motorbanca upang maiwasan ang pinsala habang nananalasa ang bagyo.

Iniulat din ng Coast Guard na nakapagbigay sila ng shelter sa isang stranded vessel sa Batanes, habang 12 motorbanca sa Cagayan, 10 sa Santa Ana at apat sa Aurora ang kanilang pinayuhang manatili sa ligtas na himpilan bilang bahagi ng kanilang maritime safety operations.

Sa ngayon ay wala pang naitatalang iba pang insidente bukod sa isinagawang preemptive evacuation sa Buguey. Sinabi rin ni Mahilom na nananatiling sumusunod ang mga mangingisda sa umiiral na no-sail policy at hindi na sila pinapayagang manatili sa kanilang mga bangka kapag nailipat na ang mga ito sa mga itinakdang sheltering area.

Dagdag pa ng opisyal, mananatiling naka-blue alert ang Philippine Coast Guard hanggang matapos ang damage assessment at makapagpalabas ng panibagong abiso ang kanilang punong tanggapan.

Sa huli, muling hinikayat ng Coast Guard ang publiko, lalo na ang mga naninirahan sa mga baybaying komunidad, na patuloy na sundin ang mga abiso ng mga lokal na pamahalaan at iba pang awtoridad.

Binigyang-diin ni Mahilom na nananatiling nakaantabay ang Philippine Coast Guard upang magbigay ng agarang responde at tulong sa mga maaapektuhan ng masamang panahon.