
Naghain ng cyber libel complaint sina Mamamayang Liberal Rep. Leila de Lima at 2025 Ramon Magsaysay awardee Fr. Flaviano “Flavie” Villanueva sa National Bureau of Investigation (NBI) laban kay Atty. Levito Baligod at 18 na umano’y Marines na nagsabi na sila ay nagsilbing “bagmen” ni dating Ako Bicol Rep. Elizaldy Co.
Sinabi ni De Lima na hindi ito ang unang pagkakataon na siya ay pinaratangan na layunin na sirain ang kanyang reputasyon.
Binigyang-diin ni De Lima na hindi siya papayag na sisirain ang kanyang pangalan,kaya siya nagsampa ng reklamo.
Sina De Lima at Villanueva ay kabilang sa mga personalidad na pinangalanan ni Baligod at mga nagpakilalang dating Marines na tumanggap ng kickbacks mula sa mga maanomalyang flood control project.
Una rito, inamin ni Baligod na nagkamali siya na pinangalanan si De Lima na isa sa mga umano’y tumanggap ng male-maletang cash.
Gayunman, iginiit niya na bagamat may pagkakamali siya, isinama niya si De Lima sa listahan dahil kasama umano siya sa mga pulong kung saan ay may ibinigay sa kanya na “paper bag” na naglalaman ng pera.










