
Itinanggi ng kampo ni Vice President Sara Duterte na hinaharangan nila ang pagpapalabas ng bank at tax records na hinihingi ng House prosecution panel sa impeachment trial.
Ayon kay defense spokesperson Atty. Michael Poa, hindi sila natatakot sa mga dokumento ngunit nais lamang nilang matiyak na ang pagkuha nito ay naaayon sa batas, Konstitusyon, at umiiral na mga desisyon ng Korte Suprema.
Sa ikaanim na araw ng impeachment trial, muling hiniling ng House prosecutors na magpalabas ng subpoena para sa bank at tax records nina Duterte at ng kanyang asawang si Manases Carpio.
Iginiit naman ng depensa na maaari itong maging isang “fishing expedition” at lumabag sa karapatan ng mag-asawa sa privacy at due process.
Sinabi ni Poa na nakahanda silang sundin ang anumang magiging pasya ng impeachment court at doon ibabatay ang kanilang mga susunod na hakbang.










