
Bumuo ang Department of Energy (DOE) ng joint task force upang maisakatuparan ang direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na alisin ang system loss charges at kaukulang VAT sa bayarin sa kuryente ng mga konsyumer.
Kabilang sa task force ang Energy Regulatory Commission (ERC), National Electrification Administration (NEA), at mga electric cooperative na tututok sa teknikal, regulasyon, at mga kinakailangang pagbabago sa batas para sa reporma sa sektor ng enerhiya.
Ayon sa DOE, layunin ng hakbang na makapagpatupad ng mas makatarungang singil sa kuryente, maprotektahan ang mga konsyumer, at mapabuti ang operasyon ng power sector.
Sa kanyang State of the Nation Address noong 2026, hiniling ni Pangulong Marcos sa Kongreso na amyendahan ang Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) upang matigil ang pagpasa ng system loss charges at VAT nito sa mga mamimili.
Samantala, nagpahayag ang Meralco ng kahandaang makipagtulungan sa mga reporma habang tinutukoy ang mga posibleng paraan upang mapababa ang singil sa kuryente.










