Ipinagmalaki ng Department of Health (DOH) ang kanilang mga bagong proyekto at programa na naglalayong mapabuti ang kalusugan ng mga Pilipino sa mga lalawigan ng Apayao, Isabela, at Cagayan.

Sa panayam ng Bombo Radyo, ibinahagi ni DOH Undersecretary Dr. Glenn Matthew Baggao ang mga makabuluhang hakbang na isinagawa at mga plano para sa mga lalawigan na ito.

Sa Apayao, pinangunahan ni Undersecretary Baggao ang pagbubukas ng bagong ward extension sa Conner Apayao District Hospital, kasama ang panukalang batas na isinusulong sa Kongreso para palawakin ang bed capacity ng ospital mula 100 hanggang 200.

Sa Isabela naman, nakipagpulong siya sa city council ng Cauayan City upang talakayin ang muling pagbubukas ng Governor Faustino N. Dy Senior Memorial Hospital Extension, na pansamantalang isinara noong 2001.

Sa Mallig, Isabela, pinangunahan din niya ang groundbreaking ng ika-60 BUCAS Center sa bansa, na lagpas na sa target na 28 BUCAS Centers bago ang 2028.

-- ADVERTISEMENT --

Binigyang-diin din ni Baggao ang Purok Kalusugan, isang programa na nagbibigay serbisyo sa mga liblib na lugar sa tulong ng mga Barangay Health Worker.

Sa Cagayan, bumisita si Undersecretary Baggao sa Cagayan Valley Medical Center at Regional Health Office upang pag-usapan ang mga karagdagang suporta sa mga serbisyong pangkalusugan.

Ipinahayag din niya ang pagtatayo ng cancer center sa Cagayan, na magbibigay ng lokal na paggamot sa mga pasyenteng may kanser, kaya hindi na kailangan pang magpunta sa Maynila.

Ang mga inisyatibang ito ay bahagi ng patuloy na pagsusumikap ng DOH na mapabuti ang serbisyong pangkalusugan sa rehiyon at magbigay ng mas malawak na access sa mga Pilipino sa mga pangunahing pasilidad at programa.