Iginiit ng Department of the Interior and Local Government (DILG) nitong Lunes na hindi papayagang manungkulan ang sinumang halal na opisyal na bigong magsumite ng Statement of Contributions and Expenditures (SOCE) sa Commission on Elections (COMELEC).

Ayon sa DILG, hindi nila kikilalanin ang sinumang opisyal na magsasagawa ng panunumpa sa tungkulin o tatanggap ng posisyon nang hindi tumutupad sa nasabing requirement.

Batay sa Section 14 ng Republic Act No. 7166 at COMELEC Resolution No. 10730, lahat ng kandidato at partido politikal sa May 2025 elections ay obligadong magsumite ng SOCE hanggang Hunyo 11, 2025, at walang palugit dito.

Dagdag ng DILG, ipinag-utos na sa kanilang mga regional at field offices na makipag-ugnayan sa COMELEC para sa beripikasyon bago kilalanin ang sinumang opisyal sa lokal na antas.

Sakaling mabigo, ang mga lumabag ay maaaring pagmultahin o maharap sa tuluyang diskwalipikasyon sa paghawak ng posisyon sa gobyerno.

-- ADVERTISEMENT --

Binigyang-diin ng DILG na layunin ng SOCE ang pagpapalakas ng transparency at accountability sa halalan at paggamit ng pondo ng kampanya.

Bahagi ito ng post-election compliance na nagsisiguro ng integridad sa panunungkulan at ng tiwala ng publiko sa prosesong elektoral.