Kinoronahan bilang Miss Grand International 2025 ang pambato ng Pilipinas na si Emma Tiglao.

Ito ang ikalawang sunod na panalo ng bansa sa naturang prestihiyosong patimpalak, kasunod ng pagkapanalo ni CJ Opiaza noong 2024.

Tinalo ni Emma ang iba’t ibang kandidata mula sa buong mundo sa grand finals ng Miss Grand International kung saan humakot siya ng papuri mula sa mga hurado at manonood sa kanyang maayos at matapang na performance.

Sa bahagi ng Top 10 speech, ginamit niya ang entablado upang magsalita laban sa korapsyon sa Pilipinas at iba pang mahahalagang isyu sa lipunan.

Bukod sa kanyang makabuluhang pahayag, humanga rin ang madla sa kanyang evening gown performance suot ang orange na bejewelled gown na may kaakibat na feathered cape, likha ng designer na si Rhian Fernandez.

-- ADVERTISEMENT --

Pumwesto rin sa kompetisyon ang mga sumusunod: 1st Runner-Up mula sa Thailand, 2nd Runner-Up mula sa Spain, 3rd Runner-Up mula sa Ghana, at 4th Runner-Up mula sa Venezuela.

Matatandaang nakuha ni Emma ang korona ng Miss Grand Philippines 2025 noong Agosto, at ngayon ay dala-dala niya ang karangalan ng bansa sa pandaigdigang entablado.