
Iminungkahi ni Senate impeachment court Presiding Officer Francis “Chiz” Escudero sa House prosecution at defense panel na magtalaga ng mga tagapagsalitang hindi kabilang sa kanilang legal counsel upang magkaroon ng mas malayang pagbibigay ng pahayag sa publiko.
Ayon kay Escudero, bagama’t maingat sina defense spokesperson Atty. Michael Poa at prosecution spokesperson Atty. Benjamin Tolosa Jr. sa kanilang mga pahayag, kapwa sila sakop ng mga patakaran ng impeachment court bilang mga abogado ng magkabilang panig.
Sinabi naman ng House prosecution na tatalakayin nila ang mungkahi kay Tolosa, habang sinabi ni Poa na kailangan muna nilang ikonsulta kay Vice President Sara Duterte kung papayag itong magtalaga ng hiwalay na tagapagsalita.










