
Umapela si dating Department of Justice Secretary Atty. Vitaliano Aguirre II sa Korte Suprema na suriin ang proseso sa pagkilala ng ‘extradition’ mula sa dayuhang korte, partikular sa International Criminal Court.
Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo sa dating kalihim, kanyang ibinahagi ang apela hindi lamang sa International Tribunal kundi maging sa Korte Suprema ng bansa.
Ayon sa kanya, mayroong inilabas kamakailan ang Kataas-taasang Hukuman na naglalahad ng panuntunan ukol sa pagdinig ng mga kahilingan para ipadala ang isang indibidwal tungo sa ibang bansa.
Naniniwala si Aguirre na masusunod ang implementasyon ng ‘Rules on Extradition Proceedings’ na inilabas ng Korte Suprema.
Nakasaad kasi rito na bago tuluyang ma-extradite ang isang akusado o inidibidwal na may ‘warrant of arrest’ sa isang ‘requesting state’ ay kinakailangan pa munang dumaan sa ‘judicial process’ o sa korte ng bansa.
Isa si Aguirre sa walong pinangalanan ng International Criminal Court bilang co-perpetrators ng dating pangulo sa kasong ‘crimes against humanity.’
Bukod sa kanya, kabilang rito sina Sen. Bong Go, Sen. Bato Dela Rosa, former National Capital Region Police Chief Oscar Albayalde at iba pa.
Mariing itinanggi ni Aguirre na sangkot siya sa pagpapatupad ng ‘war on drugs’ ni Duterte.










