Nakakuha ng Golden Buzzer si Filipino-American singer Jessica Sanchez sa kanyang pagbabalik sa audition sa “America’s Got Talent.”

Matatandaan na unang sumali sa show si Sanchez noong siya ay 10 taong gulang at nakapasok siya sa semifinals, at bumalik siya ngayong season para ituloy ang kanyang pangarap matapos ang 20 taon.

Sinabi ni Sanchez sa mga judge bago ang kanyang performance na bagamat nalungkot siya matapos siyang matanggal sa kanyang unang pagsubok, ito naman ang nagbigay sa kanya ng pagkakataon para makita na gusto talaga niyang kumanta, at ito ay dahil sa “AGT.”

Sinabi pa ni Sanchez na mayroon na siyang asawa at kamakailan lang nang malaman niya na siya ay buntis sa kanyang unang anak.

Ang performance ni Sanchez ay ang rendition ng “Beautiful Things” ni Benson Boone na may live band, kung saan ay nabigyan siya ng standing ovation.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi ni Simon Cowell na mahal ng audience si Jessica.

Ayon naman kay Howie Mandel na ang paghihintay ng 20 taon ay “worth the wait.”

Dagdag pa ni Mandel – “I love that song and you made this song your own and you blew the roof off the place. You are so wonderful.”

Puring-puri din ni Mel B si Jessica, kung saan sinabi niya na ang kanyang boses ay parang isang anghel.

Ayon naman kay Sofia Vergara, na ang paghihintay ni Jessica ng 20 taon ay para ibalik siya sa “AGT” stage.

Kasabay nito ay tumayo si Vergara at ibinigay kay Jessica ang Golden Buzzer.

Ibig sabihin ay aabante na si Jessica sa live shows at hindi na dadaan sa anomang audition rounds.

Sumikat si Jessica bilang runner-up sa “American Idol” Season 11.

Buhat noon ay naging cast siya sa “Glee,” nagtanghal sa mga concert at iba’t ibang events.