Inihayag ng Department of Finance (DOF) na magbibigay ang pamahalaan ng fuel subsidy para sa mga operator ng pampublikong sasakyan, magsasaka, at mangingisda upang mapagaan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng langis dulot ng kaguluhan sa Middle East. Posibleng maisama rin dito ang libreng sakay sa ilang bus routes sa Metro Manila.

Ayon kay DOF Secretary Frederick Go, nakikipag-ugnayan ang pamahalaan sa iba’t ibang ahensya upang masiguro ang agarang tugon sa pabago-bagong sitwasyon sa pandaigdigang merkado.

Kasabay nito, nakikipagkoordina ang Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para maibigay ang fuel subsidy sa mga PUV operator at mapanatiling abot-kaya ang pasahe.

Magbibigay din ng fuel subsidy ang Department of Agriculture (DA) sa mga magsasaka at mangingisda upang mapanatiling matatag ang presyo ng pagkain.

Bukod dito, isinusulong ang libreng sakay sa ilang bus sa Metro Manila sa ilalim ng “Electric Love Bus” program ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa pakikipagtulungan ng pribadong sektor, na inaasahang ilulunsad sa huling bahagi ng Abril o Mayo.

-- ADVERTISEMENT --

Pinag-aaralan din ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. ang pansamantalang pagbawas o suspensyon ng excise tax sa gasolina upang maibsan ang epekto ng pagtaas ng presyo.

Ang hakbang na ito ay kaugnay ng lumalalang tensiyon sa Gitnang Silangan matapos ang airstrike ng US at Israel na ikinamatay ni Iranian Supreme Leader Ayatollah Ali Khamenei, na nagdulot ng pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.

Matatandaang tumaas na ang presyo ng langis simula Marso 3, 2026: P1.90 kada litro para sa gasolina, P1.20 kada litro para sa diesel, at P1.50 kada litro para sa kerosene.