
Iniimbestigahan na ng mga awtoridad ang umano’y insidente ng hazing sa Philippine National Police Academy (PNPA) na kinasasangkutan ng ilang kadete.
Sinabi ng National Police Commission (NAPOLCOM) na bubuo sila ng isang task force upang tutukan ang imbestigasyon.
Ayon kay Napolcom vice chairperson Rafael Vicente Calinisan, lubhang nakababahala ang insidente at ito ay malinaw na paglabag sa batas, at hindi kailanman katanggap-tanggap.
Dagdag pa niya, agad na magsasagawa ang NAPOLCOM ng masusi, patas, at mabilis na imbestigasyon upang malaman ang katotohanan at mapanagot ang mga sangkot.
Samantala, sinabi ng Philippine National Police (PNP) na tatlong cadets ang nasa kustodiya na ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) kaugnay ng umano’y hazing sa mahigit 20 plebo sa loob ng Barracks 2 ng PNPA noong Biyernes Santo.
Ayon sa ulat, nagtamo ng paso at iba pang sugat ang mga biktima matapos umano silang malantad sa pinaghalong drain cleaner at muriatic acid.
Iniimbestigahan din ng mga awtoridad ang pitong iba pang hindi pa nakikilalang indibidwal na posibleng may kaugnayan sa insidente.
Batay sa paunang imbestigasyon, nag-ugat umano ang hazing sa isang internal issue, kung saan may isang kadete na nais mag-resign, kung saan pinarusahan umano ang underclassmen matapos na sisihin sa nasabing sitwasyon.
Ayon kay PNP chief General Jose Melencio Nartatez Jr., ipinag-utos na niya ang agarang pag-aresto at pagsasampa ng kaso laban sa mga sangkot na kadete.
Iniutos din ni Nartatez ang pagbuo ng isang ligtas at anonymous digital reporting system upang makapag-ulat ang mga kadete ng pang-aabuso nang walang takot sa paghihiganti.










