
Ipagpapatuloy ng House Committee on Appropriations ang mga reporma upang gawing mas transparent, participatory at bukas sa publiko ang proseso ng pagbuo ng 2027 national budget.
Ayon kay Appropriations Committee Chairperson Rep. Mikaela Suansing, palalawakin pa ng Kamara ang mga pagbabagong sinimulan noong nakaraang budget cycle, kabilang ang mas malawak na access ng publiko sa mga dokumento at deliberasyon.
Kabilang dito ang pag-abolish sa “Small Committee” at pagsusuri ng Budget Amendments Review Subcommittee o BARSc sa mga panukalang amendments sa General Appropriations Bill bago ang second reading.
Inilunsad din ng Kamara ang Civil Society Organization at People’s Organization Corner sa website nito, kung saan maaaring makita ang mga budget documents, schedules at livestream ng mga deliberasyon.
Samantala, makikipagtulungan ang Kamara sa Senado upang manatiling bukas sa publiko ang bicameral conference committee proceedings para sa ikalawang sunod na taon.







