Kuntentong-kuntento ang House prosecution team sa itinakbo ng ikalawang araw ng impeachment trial ni VP Duterte.

Sa pulong balitaan, sinabi ni House prosecutor Lorenz Defensor na hindi nila itinuturing na tagumpay ang presentation ng ebidensya hangga’t walang verdict, bagama’t nailabas ang lahat ng nais ihain kabilang ang video ng press conference ni VP Sara na nagbanta umano sa buhay ni Pangulong Bongbong Marcos.

Pinuri rin ni Defensor si private prosecutor Atty. Amando Ligutan na nagsagawa ng direct examination kay NBI Agent John Mark Calilung dahil naging mahusay ang paghawak nito.

Maging ang paraan ng pagpapatakbo ni presiding officer Chiz Escudero ay pinuri ng prosecutor marapos siguruhing patas at maayos ang proceedings.

Inamin naman ng kongresista na malaking puntos para sa kanila ang presentation ng video ng press conference noong November 23, 2024 nang magbanta si Duterte pati na ang imahinasyon sa isa pang press con noong October 18, 2024 na pupugutan ang pangulo.

-- ADVERTISEMENT --

Noong nakaraang taon pa kasi aniya nila nais na ipanood ito hindi lang sa senator-judges kundi sa mamamayang Pilipino.

Samantala, kinumpirma naman ni Defensor na kanilang ipa-su-subpoena si VP Sara kaugnay pa rin sa Article IV sa tamang panahon bilang hostile witness.

Asahan daw ng publiko na pananatilihin nila ang kanilang sigasig sa mga susunod pang araw.