Mahigit 900 estudyante at 16 guro at kawani ang nailigtas matapos makatanggap ng huling minutong babala tungkol sa paparating na rumaragasang baha sa Bidur, Nepal.

Ayon kay Rajendra Dawadi, punong-guro ng Tribhuvan Trishuli Secondary School, agad siyang inabisuhan ng kanilang accountant na paparating ang baha. Nakatawag umano ang accountant sa isang kamag-anak sa Rasuwa, na unang tinamaan ng kalamidad, kaya nagkaroon sila ng tinatayang 14 minuto para ilikas ang mga nasa paaralan.

Agad na pinahinto ni Dawadi ang klase at pinatunog ang kampana para balaan ang mga estudyante. Inutusan din niyang huwag nang magtungo sa paaralan ang mga bus at sa halip ay pumunta sa mas ligtas na lugar.

Sa kabuuang nasa 1,600 estudyante ng paaralan, mahigit 900 ang nasa campus nang dumating ang babala. May ilang sinundo ng kanilang mga magulang sakay ng motorsiklo, habang ang iba ay isinakay sa mga bus o tumakbo patungo sa mas mataas na lugar.

Ilang minuto matapos ang paglikas, rumagasa ang napakalaking baha sa lugar. Ayon kay Dawadi, habang tumatawid ang huling bus sa isang bagong tulay, gumuho naman ang lumang tulay. Tuluyang naanod ng baha ang paaralan at ang dating kinalalagyan nito ay napunta na sa ilog.

-- ADVERTISEMENT --

Gayunman, hindi lahat ay nakatanggap ng sapat na babala. May isang kawani ng paaralan at ina ng accountant na kabilang sa mga nawawala. Matapos balaan ang paaralan, bumalik ang accountant sa kanilang bahay upang iligtas ang mga magulang; nailigtas niya ang kanyang ama ngunit naanod ang kanilang bahay nang bumalik siya para sa kanyang ina.

Samantala, hiniling ni Dawadi sa mga awtoridad na muling itayo ang paaralan sa mas ligtas na lugar.