Lumutang ang iba pang nabiktima ng isang Ginang na ang modus ay nag-aalok ng insurance sa halagang P2,500 na registration fee kapalit ng garantisadong P400,000 na makukuha ng bawat magpaparehistro sa bayan ng Lasam, Cagayan.

Una rito, sinabi ni PLT Marie Anog, deputy chief of police ng PNP-Lasam na nahuli sa entrapment operation ang suspek na si Lilibeth Tanalgo, 54-anyos ng Brgy Malinta noong July 27 ngayong taon matapos itong ireklamo ng isang pastora.

Aniya, nakapagbigay raw ng mahigit P13,000 ang pastora sa suspek para sa sinasabing insurance company kapalit ng scholarship program ng kanyang anak at pangakong magbibigay din para sa kanilang simbahan.

Subalit nagtaka na ang pastora dahil matapos lamang ang isang Linggo ay muli siyang hiningan ng mahigit P2,000 para naman daw sa registration sa Securities and Exchange Commission na nalaman nilang peke sa bandang huli.

Matapos mahuli, sinabi ni Anog na agad nakapagpiyansa ang suspek para sa kasong simple estafa.

-- ADVERTISEMENT --

Gayonman, sa paglantad ng labing-isa pang nabiktima na nakuhanan umano ng kabuuang P500,000 ng suspek sa kaparehong modus ay idadaan sa regular filing ang karagdagang kaso nitong large-scale estafa.

Nabatid na taong 2018 pa nang simulan ng suspek ang kanyang panloloko at hindi naman ito nagtago subalit lagi umano niyang sinasabi sa kanyang mga biktima na nasa proseso na ang kanilang registration.

Hinikayat naman ni Anog ang ibang nabiktima ng mga ito na lumutang na rin at magsampa ng dagdag na kaso.