
Patuloy ang paghahanap ng International Criminal Court (ICC) ng mga Filipino at Cebuano interpreter bilang paghahanda sa nalalapit na paglilitis kay dating Pangulong Rodrigo Duterte na nakatakda sa Nobyembre ngayong taon.
Ayon sa anunsyo ng ICC, bukas hanggang Hulyo 4 ang aplikasyon para sa dalawang posisyon—paraprofessional interpreter at associate court interpreter—na may kontratang tatagal hanggang Disyembre 31 ng kasalukuyang taon.
Ang mga mapipiling aplikante ay mananatili sa The Hague, Netherlands, kung saan gaganapin ang kanilang tungkulin sa loob ng hukuman.
Kabilang sa kanilang magiging trabaho ang pagsasalin ng testimonya ng mga saksi, pagsusuri ng mga pahayag, paghahanda para sa interpretasyon sa mga pagdinig, at pagbuo ng glossary ng mga legal na terminolohiya.
Kinakailangan ng ICC na ang mga aplikante ay may mataas na antas ng kasanayan sa Filipino at/o Cebuano, gayundin sa wikang Ingles, upang matiyak ang maayos at tumpak na interpretasyon sa mga pagdinig.
Nauna nang hiniling ng korte na magkaroon ng sapat na language support sa Filipino at Cebuano upang mas maunawaan ng mga Pilipinong tagasubaybay ang mga proceedings.
Matatandaang noong 2024 ay naglabas na rin ang ICC ng hiring para sa mga Filipino at Cebuano translators, habang noong 2025 naman ay naghanap ito ng mga transcriber para sa parehong wika bilang bahagi ng paghahanda sa kaso.








