Hiniling ng prosekusyon ng International Criminal Court (ICC) na tanggapin bilang ebidensya sa kaso ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang mga naunang naitalang testimonya ng limang saksi.

Sa dokumentong inihain sa ICC Trial Chamber III, sinabi ni Acting Prosecutor Mame Mandiaye Niang na makatutulong ang hakbang upang mapabilis ang paglilitis at mabawasan ang oras na gugugulin sa direktang pagtatanong sa mga saksi.

Ayon sa prosekusyon, mahalaga at mapagkakatiwalaan ang mga testimonya na tumatalakay sa umano’y patakaran ng pagpatay sa mga itinuturing na kriminal, sa mga operasyon ng Philippine National Police at sa umano’y papel ni Duterte sa mga naturang pangyayari.

Gayunman, sinabi ng prosekusyon na mananatiling available ang limang saksi upang sumailalim sa cross-examination ng depensa at sa iba pang pagtatanong ng mga hukom at partido sa kaso.

Nahaharap si Duterte sa mga kasong crimes against humanity kaugnay ng mga umano’y extrajudicial killing sa ilalim ng kanyang kampanya kontra droga noong siya ay pangulo at alkalde ng Davao City.

-- ADVERTISEMENT --

Nakatakdang magsimula ang paglilitis sa Nobyembre 30.