Hinuli ng kapulisan ang walong katao sa umano’y tangkang pagnanakaw sa isang telecommunication company sa lungsod ng Tuguegarao.

Ayon sa Tuguegarao Component City Police Station (TCCPS), nakita ng mga awtoridad sa CCTV Camera ng Command Center ang kahinahinalang pagbubungkal ng mga suspek sa isang manhole na malapit sa compound ng nasabing kumpanya.

Mabilis namang rumesponde ang mga pulis at nadatnan sa akto na nagbubungkal ang mga suspek na sina Alyas Josh, 29-anyos, Alyas Nino, 38-anyos, Alyas Benny, 34-anyos, Alyas Baldo, 24-anyos, Alias Baldo, 24-anyos, Alias Popo, 28-anyos, Alias Boyet, 22-anyos, Alias Garry, 44 -anyos, at Alias Melan,28-anyos, pawang taga ibang lugar.

Nang magsagawa ng inspeksyon ang mga rumespondeng pulis ay bigong makapagpakita ng kaukulang permit ang mga suspek kaugnay sa kanilang ginagawang aktibidad kaya hinuli ang mga ito.

Sa isinagawang imbentaryo ay nakuha ng mga awtorirdad ang isang piraso ng chain lock, dalawang malalaking bolt cutter, isang maliit na pait (chisel), dalawang malalaking martilyo, isang maliit na martilyo, isang crowbar, isang bareta, tatlong improvised digging bar, apat na green reflectorized construction shirt, at isang puting sasakyan.

-- ADVERTISEMENT --

Nahaharap ang mga suspek sa kasong attempted robbery na nasa kustodiya ng PNP Tuguegarao.

Samantala, wala namang iniulat ang pulisya na nawala o nanakaw sa nasabing kumpanya dahil sa mabilis na pagresponde ng mga pulis.