
Natapos na ang imbestigasyon kaugnay ng umano’y hindi pagdedeklara ni Rodante Marcoleta ng ilang election donors sa kanyang Statement of Contributions and Expenditures (SOCE) para sa halalan noong Mayo 2025, ayon sa Commission on Elections (Comelec).
Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, tapos na ang pagsusuri ng Political Finance and Affairs Department (PFAD) at nakahanda na silang maglabas ng kaukulang resolusyon.
Sa kanyang counter-affidavit, ipinaliwanag ni Marcoleta na ang mga naturang donasyon ay naibigay bago pa siya opisyal na maituturing na kandidato, batay sa desisyon ng Korte Suprema sa kasong Penera vs. Comelec, na nagsasaad na ang isang aspirante ay itinuturing lamang na kandidato sa unang araw ng campaign period.
Noong Nobyembre 2025, naglabas ang Comelec ng show cause order dahil sa umano’y hindi kumpletong pagdedeklara ng donors at sa sinasabing hindi pagtutugma ng datos sa pagitan ng kanyang SOCE at Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN).
Nauna nang inamin ng senador na may ilang kontribusyon na hindi niya isinama sa ulat dahil humiling umano ng anonymity ang mga donor.
Sa kanyang SOCE, iniulat niyang gumastos siya ng P139.9 milyon para sa kampanya, mas mataas kaysa sa kanyang idineklarang net worth na P51.9 milyon, at nakapagtala ng zero donations.










