
Sinabi ni Bicol Saro Partylist Rep. Terry Ridon na magpapatuloy ang impeachment hearing laban kay VP Sara Duterte matapos hindi maglabas ng temporary restraining order ang Supreme Court of the Philippines.
Ayon kay Ridon, magsisimula ang mga pagdinig sa Abril 14 at inaasahang ihaharap ang mga na-subpoena na personalidad, dokumento, at ebidensya, kabilang si Ramil Madriaga.
Nauna nang naghain ng mga petisyon para sa TRO ang kampo ng Bise Presidente at ilang abogado, ngunit iniutos lamang ng Korte Suprema na magsumite ng komento at hindi pinigil ang proseso.
Kabilang sa mga isyung kinakaharap ni VP Duterte ang umano’y maling paggamit ng P612.5 milyong confidential funds, pagbabanta laban kay pangulong Ferdinand Marcos Jr. at kanyang pamilya, at hindi maipaliwanag na yaman.
Nauna nang natukoy ng House Committee on Justice na may sapat na basehan ang mga reklamo at kasalukuyang tinutukoy kung may probable cause para sa impeachment.










