Nanindigan si ICC-accredited lawyer Gilbert Andres na hindi dapat maging dahilan ng panibagong pagkaantala ng paglilitis laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte ang kakulangan ng interpreter at translator para sa mga Pilipinong testigo.

Sa unang status conference ng ICC-Trial Chamber III, binigyang-diin ang pangangailangan ng sapat na bilang ng interpreter para sa mga testigo ng prosecution at defense upang maging malinaw ang kanilang mga pahayag sa korte.

Ayon kay Andres, pabor ang mga biktima ng drug war sa pagkakaroon ng maayos na translation process, ngunit dapat pa ring matiyak na hindi maaantala ang trial na nakatakdang magsimula sa Nobyembre 30, 2026.

Dagdag niya, maaaring unahin muna ang mga testigong kayang magsalita ng English habang nagpapatuloy ang training ng mga interpreter ng ICC.