Hayagang inakusahan ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. bilang utak sa likod ng isang scheme na naglalayong magsalang ng mga testigo laban sa kaniya sa International Criminal Court (ICC).

Sa opening statement sa confirmation of charges hearing ng legal counsel ni Duterte na si Nicholas Kaufman, inilahad niya ang isang transcript ng usapan sa telepono na magpapatunay umano sa manipulasyong nagaganap.

Ayon kay Kaufman, malinaw sa naturang dokumento na may isang hindi pinangalanang indibidwal na direktang kumokontrol sa mga testigong ihaharap sa korte.

Sa kasalukuyan, wala pang inilalabas na pahayag ang Malacañang upang sagutin ang mabigat na paratang na ito mula sa kampo ng dating lider.

Matatandaang nahaharap si Duterte sa tatlong bilang ng crimes against humanity na nag-ugat sa kaniyang kampanya laban sa ilegal na droga.

-- ADVERTISEMENT --

Bagama’t nasa 6,200 lamang ang opisyal na bilang ng mga napatay sa mga operasyon ayon sa gobyerno, iginigiit ng mga human rights organizations na posibleng umabot ito sa 30,000 biktima.

Nakatakda namang ipagpatuloy ang mga susunod na pagdinig sa Pebrero 24, 26, at 27.