TUGUEGARAO CITY- Naiuwi na ng kanilang pamilya ang bangkay ng dalawa sa tatlong mataas na lider ng New Peoples Army na nasawi sa naganap na sagupaan sa pagitan ng rebeldeng grupo at militar sa Brgy Maguilling, Piat, Cagayan noong Huwebes Santo, April 14.
Ayon kay PCAPT Isabelita Gano, tagapagsalita ng Cagayan Police Provincial Office (CPPO) na matapos maayos ang mga dokumentong hawak ng mga kaanak ay naipasakamay na sa kani-kanilang pamilya ang bangkay nina Saturnino Agunoy, alias Peping, pinuno ng Regional Operations Department ng Komiteng Rehiyon-Cagayan Valley (KR-CV), at Mark Canta, alyas Uno, Giyang Politikal, West Front Committee.
Ang labi ni Agunoy ay kinuha ng kanyang kapatid na kasalukuyan nang nilalamayan sa Amulung, Cagayan habang ang mga labi ni alyas Uno ay kinuha ng kanyang ama at iniuwi sa Luna, Isabela.
Samantala, bukod sa isang pamilya mula Rizal, Cagayan ay may iba pang nagke-claim sa labi ni Alyas Val, medical officer ng West Front Committee kung kaya hindi pa ito nai-rerelease at inaantay pa ang mga dokumentong ipiprisinta nang nagpakilalang kapatid nito mula Tuao, Cagayan.
Sa ngayon ay nagpapatuloy ang hot pursuit operations ng militar laban sa kasamahan ng tatlo na nakatakas matapos ang limang minutong engkwentro dakong alas-10:00 ng gabi noong Huwebes Santo.
Ayon kay Army Capt Rigor Pamittan, hepe ng Public Affairs Office ng 5ID, unang pinaputukan ng mahigit sa 20 rebeldeng NPA ang tropa ng 17th Infantry Battalion habang nagsasagawa sila ng combat operation matapos makatanggap ng tip mula sa mga residente roon kaugnay sa presensya ng mga armadong grupo.
Nabawi sa encounter site ang dalawang cal. 45; 1 granada; backpack na naglalaman ng isang laptop; 1 smart phone; isa pang backpack na may medical supplies; mga subersibong dokumento at personal na kagamitan.
Samantala, sinabi ni Gano na maituturing pa ring matagumpay sa pangkalahatan ang paggunita ng Semana Santa sa Lalawigan.
Itoy sa kabila ng anim na bilang ng naitalang namatay sa pagkalunod kasabay ng pagdagsa ng mga tao sa mga ilog at dagat nitong Holy Week