Dumating kanina ang c130 plane sa Tuguegarao City Airport na sakay ang mga labi ng isa sa dalawang sundalo na namatay sa bumagsak na FA-50 fighter jet ng Philippine Air Force sa kabundukan ng Bukidnon noong March 4.
Agad na inilipat ang mga labi ni Major Jude Salang-oy, tunong Taloctoc, Kalinga sa blackhawk helicopter papuntang 503rd Infantry Brigade sa Calanan, Kalinga.
Susundan naman ito ng heroes welcome sa kapitolyo ng Kalinga, bago siya dadalhin sa kanilang tahanan sa Purok 1, Barangay Bulanao, Tabuk City.
Ibururol si Salang-oy hanggang sa araw ng Biyernes at isasagawa ang cremation sa araw ng Sabado.
Matatandaan na natagpuan ang mga labi ni Salang-oy at kapwa niya piloto na si 1st Lt. April John Dadulla ng Bukidnon sa Mount Kalatungan, Bukidnon.
Magugunita na ang FA-50 fighter jet ay napaulat na nawawala matapos na mawalan ito ng komunikasyon sa isa pang fighter jet noong Martes habang nagsasagawa ng flight mission.
Ang aircraft ay galing sa Cebu at patungo sa target area nang mangyari ang insidente.